Medical team puntang Haiti ngayon

MANILA, Philippines - Tutulak na ngayong araw patungong Haiti ang 21-member medical team na ipadadala ng Pilipinas para makatulong sa search and rescue ope­ration kaugnay sa 7.0 magnitude na lindol noong Enero 12.

Ayon kay Health Secretary Esperanza Cabral, mabilis na nai-proseso ng Department of Foreign Affairs kamakalawa ang papeles at kaagad namang nabigyan ng visas ng Haiti Embassy ang medical team na binubuo ng 3 trauma o general surgeons, 2 orthopedic surgeons, isang internist, isang pediatrician, limang nurses, tatlong epidemiologists at dalawang sanitary engineers, na pawang kinuha sa mga DOH hospitals sa bansa.

Si Dr. Emmanuel Bueno, head ng emergency room ng East Avenue Medical Center sa Quezon City, ang mamumuno sa medical team.

Posibleng manatili sa Haiti ang team sa loob ng 2-3 linggo o maari ding mapalawig pa. Ang United Nations ang mamamahala kung saan itatalaga ang Philippine medical team.

Hindi umano maaring ilipad ng isang government C-130 cargo plane ang medical team kaya sasakay sila ng commercial flight dahil sa layo ng Haiti sa Pilipinas.

Samantala, hanggang kahapon ay wala pang ipinalalabas na report ang Philippine mission sa UN sa Department of Foreign Affairs hinggil sa kalagayan ng anim na nawawalang Pinoy. (Ludy Bermudo/Ellen Fernando)

Show comments