MANILA, Philippines - Iginiit ni Lakas-Kampi-CMD standard bearer Gilbert “Gibo”Teodoro Jr., ang pagkakaroon ng transparency sa pagtatalaga ng bagong punong mahistrado ng Supreme Court at katanggap-tanggap sa taumbayan.
Ayon kay Teodoro, dapat mabigyan ng proteksiyon at kredibilidad ang proseso ng pagtatalaga ng bagong punong mahistrado na papalit kay SC Chief Justice Reynato Puno na magreretiro sa Mayo 17.
Idinagdag pa ni Gibo na dapat iwasan ang anumang walang batayan na espekulasyon bagkus ay dapat hayaan na tumakbo ang regular na proseso na itinakda din ng batas.
Magugunita na malaking issue ang pagtatalaga ni Pangulong Gloria Arroyo ng susunod na CJ ng SC dahil labag na umano ito sa Constitution. Kasabay nito, nanawagan din si Quezon City Rep. Matias Defensor na maagang iproseso ng Judicial and Bar Council ang nominasyon ng magiging kapalit ni Puno.
Kasama sa plataporma ni Teodoro ang pagbibigay ng “ngipin” sa hudikatura para sa mas matatag na pundasyon ng gobyerno upang mapanatili ang peace and order at ang pagkakaroon ng konsultasyon sa taumbayan para magkaroon ng mas malawak na ideya. (Rudy Andal//Joy Cantos)