MANILA, Philippines - Ang reputasyon umano ni Sen. Miriam Defensor Santiago bilang balimbing at ‘self-serving politician’ ang dahilan kung bakit hindi siya isinama sa senatorial lineup ng Liberal Party para sa eleksyon sa Mayo.
Ito ang inamin ng isang opisyal ng LP na tumangging magpalathala ng pangalan nang tanungin ng mga reporter sa isang sortie ng partido sa Laguna kahapon.
Lumabas ang isyu matapos mapansin ng karamihan na hindi man lang kinuha ng partido ni Sen. Noynoy Aquino si Santiago sa kabila ng katotohanang ang yumao nitong ina na si Pangulong Corazon Aquino, ang nagbigay ng pagkakataon kay Santiago upang sumikat sa larangan ng pulitika.
Samantala, nagpopustura naman ang LP bilang “pure opposition party” kaya sinasalang mabuti ang kalidad at pagkatao ng mga pumapasok na kandidato nito tulad ng sa pagka-senador.
Sa pananaw ng LP, mababalewala ang postura nito kung kukunin pa nila si Santiago na ngayon ay kandidato sa Senado ng administration party, Lakas-Kampi CMD at iba pang opposition party tulad ng Nacionalista Party ni Sen. Manny Villar at ng Pwersa ng Masang Pilipino/United Opposition ni Estrada.
Sa panig naman ng Lakas-Kampi CMD, marami na umanong umaangal sa pinapakitang “benggansa” ni Santiago kay Sec. Ronaldo Puno ng Department of Interior and Local Government na co-vice chairman din ng partido.
Si Puno ang nagtatag ng Kampi (Kabalikat ng Mamamayang Pilipino) na partido ni Arroyo at isa na ngayon sa pinakamalaki at pinakamalakas na partido pulitikal sa bansa. Anila, hindi rin nakabubuti sa kanilang partido ang ugali ni Santiago dahil kahit mahigit 18 taon na ang nagdaan sapul ng matalo sa presidential election ay hindi pa rin makalimutan ang galit kay Puno. (Butch Quejada)