Missing Pinoy, 6 pa rin

MANILA, Philippines - Anim pa ring Pinoy ang patuloy na hinahanap mula sa gumuhong hotel at supermarket dahil sa intensity 7.2 lindol sa Haiti noong Enero 5.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines Spokesperson Lt. Col. Romeo Brawner Jr., nagkaroon lamang ng kalituhan ng iulat ng Department of Foreign Affairs na nailigtas ang Pinay na si Grace Fabian matapos na makulong sa Carribbean Supermarket habang nailigtas mula rito si Aurora Aguinaldo. 

Bukod kay Fabian, patuloy pa ring pinaghahanap ang tatlong Pinoy peacekeepers na sina Sgt. Janice Arocena, Sgt. Eustacio Bermudez at Navy Officer 3 Perlie Panangui gayundin ang Administrative Officer ng UN sa Haiti na si Jerome Yap at ang OFW na si Geraldine Calican.

Gayunman, tiniyak ni Brawner na ginagawa ng mga rescue teams ang lahat ng makakaya nito upang mapabilis ang rescue operations sa mga nakulong na biktima.

Ikinatuwa naman ni 10th Philippine Contingent to Haiti Chief Col. Lope Dagoy ang pagdating ng mga backhoe at pay loaders mula sa Brazil, Amerika at China na kanilang gagamitin para sa paghuhukay sa gumuhong gusali at mailigtas ang mga biktimang nasa loob nito.

Maingat aniya ang mga Pinoy at mga dayuhang peacekeepers sa paghuhukay at pag-aalis sa mga bato upang hindi manganib ang buhay ng mga biktimang posibleng buhay pa.

Samantala, nahaharap sa shortage sa pagkain at tubig ang 10th RP contingent na nagsasagawa ng rescue operations sa mga na-trap sa lindol sa Haiti.

Kaugnay nito, nakatakdang magpadala ng karag­dagan pang 155 contingent ang AFP sa Haiti.

Ayon kay Brawner, binigyan na ng go-signal ni Pangulong Arroyo si AFP Chief of Staff Gen. Victor Ibrado para ihanda ang 11th RP contingent sa Haiti kaugnay ng agarang deployment sa mga ito.

Show comments