MANILA, Philippines - Inupakan kahapon ni Agricultural Sector Alliance of the Philippines Partylist Congressman Nicanor Briones ang maka-kaliwang grupong Pamalakaya sa paninira nito sa proyekto ng Department of Agriculture na mag-supply ng mga state-of-the-art freezing facilities sa mga rural-based stakeholders sa kabila ng mga maidudulot nitong benepisyo hindi lamang sa mga maliliit na magsasaka at mangingisda kundi pati na rin sa mga konsumidor.
Sinabi ni Briones na, kung talagang kinakatawan ng Pamalakaya ang kapakanan ng mga maliliit na mangingisda, hindi nito dapat sinisiraan ang postharvest project ng National Agribusiness Corp. ng DA at sa halip ay sinusuportahan ang magandang proyektong ito para matulungan ang mga maliliit na stakeholders na mabawasan ang kanilang production cost at madagdagan ang kanilang kita at kasabay nito ay mabigyan ang mga ordinaryong konsyumer ng mas mura ngunit mas de-kalidad na isda at iba pang pagkain.
Idiniin ng mambabatas na ang freezing equipment na binili ng Nabcor ay gumagamit ng rebolusyonaryong teknolohiyang brine immersion freezing at liquid quick freeze na inimbento ng isang grupong pinamumunuan ng Pilipinong mechanical engineer na si Hernando Decena na may kakayahang mag-imbak ng mga produktong pang-agrikultura. (Butch Quejada)