MANILA, Philippines - Ibinunyag ngayon ng isang impormante mula sa partidong Lakas-Kampi na may balak ang namumunong partido na ilaglag si Sen. Miriam Santiago sa hanay ng mga i-endorsong kandidato sa pagka-senador.
Ayon sa impormante, lumilitaw na hindi nagkakaisa ang partido dahil sa walang prenong pag-upak ni Santiago sa mga kaalyado sa ruling party.
“Wala kasing preno ang bibig ni Miriam sa paninira kay DILG Secretary Ronaldo Puno at naiirita na ang partido,” anang source na tumangging magpabanggit ng pangalan.
Mayroon na umanong nabubuong ‘consensus’ ang Lakas-Kampi-CMD na “ihulog” ang kanyang pangalan sa listahan ng mga dapat ihalal na senador ng administrasyon. Ito daw ay bilang “resbak” sa walang tigil na paninira kay Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno.
Sinabi ng source na hindi nakagaganda sa imahe at isinusulong na pagkakaisa ng partido ang ginagawa ni Santiago kay Puno na nagtatag ng Kampi (Kabalikat ng Mamamayang Pilipino) at co-vice chairman ngayon ng pinag-isang Lakas- Kampi-CMD.
“Paano naman lalakas ang aming tsansa na manalo kung ang isa naming kandidato ay walang ginawa kundi batikusin ang aming party vice chairman,” puna ng mga ito. “Baka pagdating sa araw ng halalan, siya (Santiago) ang magulat sa resulta dahil natalo siyang bigla.”
Sa Lunes ay nakatakdang mag-deliver ng privilege speech si Santiago sa Senado kung saan muli na naman umano nitong sisiraan sa publiko si Sec. Puno.
Bagaman una nang nagdeklara si Puno na handang tumakbo bilang running mate ni dating defense secretary Gilbert ‘Gibo’ Teodoro sa tiket ng administrasyon, nagpaubaya na lamang ito kay dating Optical Media Board (OMB) chairman, Edu Manzano.
Kilala si Puno bilang magaling na “political handler” na nasa likod ng panalo ng tatlong nagdaang pangulo - Fidel Ramos noong 1992, Joseph Estrada noong 1998 at GMA noong 2004 elections. (Butch Quejada)