MANILA, Philippines - Nagbuklod ang mga militanteng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), Bayan Muna, Anakpawis, Kilusang Mayo Uno (KMU), Kadamay, at Gabriela para gunitain ang ika-23 aniberasryo ng Mendiola massacre.
Maglulunsad ng isang pambansang caravan na naglalayong paigtingin ang usapin sa tunay na repormang agraryo.
Ang karaban, tinawag na Lakbayan ng mga Anakpawis para sa Lupa at Katarungan, ay nagsimula noong Jan. 12, 2010 at tatagal hanggang Jan. 22, 2010 na siya namang ika-23 anibersaryo ng Mendiola Massacre na nangyari nung 1987.
Ayon kay Danilo Ramos, KMP secretary general, ang mga magsasaka ang karamihang nasasaktan at namamatay sa usaping lupa. “Farmers also bore the brunt of injustice and culture of impunity in this country”.
Nanawagan din ang grupo sa pamilya Cojuangco-Aquino na kinabibilangan ni Liberal Party standard bearer Benigno “Noynoy” Aquino sa usapin ng Hacienda Luisita massacre para sa maagap na pagbibigay katarungan sa mga biktima.
Ayon kina Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA) spokesman Lito Bais at Anakpawis secretary general Cherry Clemente, naniniwala sila na hindi ibibigay ng angkan ng mga Cojuangco-Aquino ang Hacienda Luisita sa mga magsasaka.
“Noynoy will not give up their claim of Hacienda Luisita”.
Dagdag pa nila, “ The issues concerning Hacienda Luisita like the revocation of Stock Distribution Option, the immediate and free distribution of the 6,453 hectare sugar estate to land reform beneficiaries and the quest for justice for victims of the massacre on Nov. 16, 2004 will be included in the peasant electoral agenda for 2010”.
Ang Lakbayan ay magmumula sa ibat ibang lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Mula Department of Agriculture, magtutungo ang mga ralista sa Mendiola sa Jan. 22, 2010 at doon gugunitain ang Mendiola Massacre at Hacienda Luisita Massacre, at iba pang karahasan laban sa magsasaka maging sa kasalukuyang panunungkulan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. (Mer Layson)