MANILA, Philippines - Pitumpung opisyal at kawani ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), kabilang na ang tatlong Undersecretaries at regional directors ang ni-rigodon ng katatalagang DENR acting Secretary, Eleazar P. Quinto.
Batay sa 45-pahinang special order at komunikasyon ni Quinto, dalawang bagong opisina agad ang itinatag nito para sa Usec at Asec sa Special Constituency and External Affairs ito ay dalawang araw bago maging epektibo ang election ban. Matapos nito ay ang paglalagay ni Quinto sa kanyang hurisdiksyon sa mga sensitibong tanggapan gaya ng Mines Adjudication Board, Legal Affairs Office at ang Internal Audit Service.
Ikinagulat ng mga taga DENR ang matinding reorganisasyon dito at ang pagpirma nito sa naturang bilang ng komunikasyon at kautusan sa loob lang ng 2-araw kung saan wala din umano itong konsultasyon sa kanyang Senior Undersecretary for field Operation na si Ramon Paje.
Sa administrative order mula sa Office of the President, si Paje ang direktang mangangasiwa sa mga regional at field offices at mga line bureaus at ito ay hindi umano sinunod ni Quinto. Kinuwestiyon pa ng mga DENR officials ang motibo ni Quinto dahil siya ay pansamantalang kalihim.