MANILA, Philippines - Dismayado si dating Pangulong Fidel V. Ramos sa hindi pagsipot ng ilang presidentiables sa ginanap na presidential forum sa Asian Institute of Management (AIM) sa Makati City, kahapon na anya’y mahalaga upang malaman ng botante ang adhikain at polisiya ng mga kandidato.
“Mayroon akong incidental questions, nasaan na iyong iba?” ani Ramos na partikular na hinanap ay si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III.
Tanging sina dating Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro, Sen. Richard “Dick” Gordon at Nacionalista Party President Sen. Manny Villar ang dumalo sa forum na inisponsor ng Carlos P. Romulo Foundation.
Bukod kay Aquino, nabigong dumalo rin sa naturang forum sina dating Pangulong Joseph Estrada ng Partido ng Masa, Sen. Jamby Madrigal at spiritual leader Bro. Eddie Villanueva, atbp.
“Dapat ang isang lider, hindi lamang 24/7 nagtatrabaho, kundi 25/8 na higit pa sa lahat dahil multi-tasking ang pagiging lider ng isang bansa tulad ng Pilipinas na mayroong mahigit 7,107 isla,” diin pa ni Ramos.
Sinusugan naman ni Prof. Carolina Hernandez ang pananaw ni Ramos na dapat dumalo ang lahat ng presidentiables upang malaman ng botante ang nilalaman, plano at adhikain ng bawat kandidato.
Tinalakay sa naturang forum ang konsepto ng bawat kandidato hinggil sa Maguindanao at hamon sa usapin ng kapayapaan sa Katimugan, usaping panlabas at pandaigdigang seguridad, ekonomiya at international economic relations, migrant workers at competitiveness ng bansa sa buong mundo. (Butch Quejada)