MANILA, Philippines - Bagamat hindi pa nila natatanggap ang direktiba ng Korte Suprema hinggil sa pansamantalang pagpapatigil ng Radio Frequency Identification ay nagpalabas na ng memorandum si Land Transportation Office (LTO) Chief Arturo Lomibao sa lahat ng district offices ng ahensiya nationwide na nagpapatigil sa implementasyon ng RFID.
Sa isang press conference, nilinaw din ni Lomibao na pinag-aaralan pa ng ahensiya kung may magaganap na refund o wala dahil binibigyan naman sila ng 10 araw kasama ang Department of Transportation and Communication para magbigay ng komento hinggil dito.
Kung may refund anya, maaaring iawas na lamang ang P350 RFID fee sa rehistro ng mga sasakyan sa susunod na taon. Ang RFID ang sinasabi ng LTO na magwawalis ng colorum at out of line vehicles gayundin ay sagot sa car smuggling.
Noong Disyembre, nagsampa ng petisyon ang Bayan Muna, Anakpawis at Piston sa Korte Suprema na humihiling na ipahinto ang implementasyon ng RFID dahil sa umano’y illegal ito at walang naganap na bidding bukod pa sa hindi pa handa ang gadgets ng LTO para dito at hindi ito tumatalab sa mga mamahaling sasakyan na may ultra-violet ray na kalimitang gamit ng mga mayayaman at mga nakapuwesto sa pamahalaan. (Butch Quejada/Angie dela Cruz)