BI employees suportado ang bagong Immigration bill
MANILA, Philippines - Muling ipinahayag ng mahigit 500 opisyal at empleyado ng Bureau of Immigration (BI) ang kanilang suporta sa panukalang bagong immigration bill na nakabinbin sa parehong sangay ng Kongreso.
Sa isang position paper na pinangunahan ng mga opisyal at miyembro ng Buklod ng mga Kawani ng CID (Buklod), ipinabatid ng mga empleyado ang kanilang buong suporta sa panukalang Philippine Immigration Act of 2009.
Ayon kay Leticia Fatalla, pangulo ng Buklod, matagumpay nilang kinilos upang maisama sa panukala ang isang probisyon na kailangang i-absorb ang lahat ng kasalukuyang empleyado, kabilang ang temporary and casual, kapag naisabatas na ang bill.
Binanggit niya ang section 127 ng House Bill 6568 kung saan nakasaad na lahat ng incumbent officials at employees ng ahensiya na sakop ng civil service law at regulations ay i-a-absorb ng authority.
“We thanked Commissioner Marcelino Libanan for pushing to lawmakers that our proposal be included in the pending measure,” wika ni Fatalla, na nagsabi na pati rank-and-file ay umaasang maipapasa ang bill.
Samantala, sinabi ni BI Legal Officer Henry Tubban Jr., na dumaan sa ilang konsultasyon sa mga opisyal at empleyado ng ahensiya ang panukala, partikular na sa staffing pattern tuwing may committee meeting.
Ipinaliwanag niya na binibigyan ng regular na update ang mga opisyal at empleyado ng ahensiya ukol sa kalagayan ng bill tuwing regular na flag-raising ceremonies tuwing Lunes at sa lingguhang management meetings. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending