MANILA, Philippines - Nilinaw kahapon ng Korte Suprema na hindi nila inatasan ang Land Transportation Office (LTO) na i-refund ang bayad ng mga may-ari ng sasakyang nakapagparehistro na nilagyan ng Radio Frequency Identification (RFID).
Ayon kay Supreme Court (SC) spokesman Atty. Midas Marquez, walang nakalagay sa mismong order na dapat may refund sa mga may-ari ng sasakyan kundi status quo ante order lamang ang mananatili hanggang wala pang kautusan ang Korte Suprema.
Bahala na umano ang LTO kung ano ang interpretasyon nila sa status quo order at ito na rin umano ang magdedesisyon kung ire-reimburse nito ang bayad sa mga may-ari ng sasakyan na nakapagparehistro na.
Nauna ng sinabi ni Ditas Gutierrez, LTO spokesman na sa inisyal na implementasyon ng RFID project ay sakop nito ang mga license plate numbers na nagtatapos sa 1 at natapos na bago pa man ipalabas ng SC ang kautusan.
Halos 1 milyon may-ari umano ng sasakyan ang nasakop ng inisyal na implementasyon ng proyekto kung saan pinagbayad ang mga ito ng P350 para sa bawat isang RFID sticker.
Nilinaw din ni Marquez na hindi idineklara ng SC na illegal ang proyektong RFID samantalang hindi pa umano sila nakakatanggap ng komento mula sa LTO at sa Department of Transportation and Communications (DOTC) matapos silang bigyan ng 10-araw upang sumagot sa petition na inihain ng iba’t ibang transport groups. (Gemma Amargo-Garcia)