Ampatuan marunong mag-Tagalog

MANILA, Philippines - Ikinagulat ng mga ma­mamahayag nang personal na magsalita sa lengguwaheng Tagalog si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. sa kabila ng iginiit ng abugado nitong si Sigfrid Fortun sa Quezon City Regional Court (RTC) na Maguindanaoans lang ang naiintindahan ng kani­yang kliyente kaya dapat na sa nasabing lenggu­wahe ito basahan ng sakdal.

“Isa lang ang hinihiling ko, fair trial lang. Alam ko 100 percent mananalo ako kung bibigyan lang ako ng fair trial. Ito ang hinihiling ko sa gobyerno at sa hu­ma­hawak ng kaso ko,” ani Ampatuan Jr.

Umapela pa si Ampa­tuan na magsilabasan na umano ang mga nasa likod ng Maguindanao massacre dahil sa siya ay napag­bintangan lamang umano.

Sinabi pa niya sa media na walang special treatment sa kaniya kaya hiling niya na makapasok ang mga reporter sa kaniyang detention cell.

Pinili naman ng mga mamamahayag na sa visitor’s area lamang na nahaharangan ng bakal na rehas sa naging pakikipag-usap at hindi rin pinayagan ng NBI personnel sa isyu ng seguridad.

Tumanggi na si Ampa­tuan na sagutin ang iba pang ibinabatong katanu­ngan ng media.

Ngayong araw ang ikalawang pagdinig sa PNP-PNCO converted court, sa kasong 41 counts ng murder at petition for bail ni Ampatuan. (Ludy Bermudo)

Show comments