MANILA, Philippines - Malamang na magkulang sa suplay ng tubig sa panahon ng summer sa bansa sa Metro Manila kaya’t ngayon pa lamang ay kailangang magtipid na sa suplay.
Ayon sa Maynilad Waters, dahil sa pagpasok ng El Niño phenomenon sa panahon ng summer sa bansa, garantisado nang bababa ang water level sa dam na pinagmumulan ng suplay ng tubig sa Kalakhang Maynila.
“Our monitoring of dam levels, particularly Angat, [show that it] is [at its] the lowest in six years,” pahayag ni Jeric T. Sevilla, spokesman ng east zone concessionaire Manila Water Company.
Ani Sevilla, naghahanda na ang kanilang tanggapan para sa inaasahang pag babago sa level ng tubig sa naturang dam.
Sa kanyang panig, inamin naman ni PAGASA weather bureau branch Nathaniel Cruz na ang level ng tubig sa naturang dam ay nasa below normal level sa ngayon.
Ani Cruz, kung walang magaganap na pag-uulan sa unang kalahating taon ng 2010, malamang na maranasan ang matinding tagtuyot na dulot na rin ng climate change.
Ayon pa sa PAGASA, may tsansa na maibsan ang epekto ng tag-tuyot kung kahit man lang isang ulan ay mararanasan ngayong buwan.
Ang matinding tagtuyot sa Capiz ay mararanasan mula Agosto hanggang Disyembre dahil sa below normal rainfall na mararanasan ngayong taon.
Ang bahagi naman ng kanluran, central at eastern Mindanao ay inaasahang makakaranas din ng tagtuyot maliban na lamang sa timog bahagi ng Mindanao.
Ang mga lalawigang makakaranas ng matinding tagtuyot ay ang Benguet, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Batangas, Aurora, Quezon, Marinduque, Mindoro, Romblon, Sorsogon, Camarines Norte, Camarines Sur, Northern Samar, Aklan, Guimaras, Biliran, Davao del Sur, South Cotabato, Sarangani at Sultan Kudarat.
Ayon sa Pagasa, ang Northern Samar naman ay malapit na sa tagtuyot na kundisyon dahil din sa minsan lamang na mararanasang ulan doon. (Angie dela Cruz)