MANILA, Philippines - Muling nakatapak ng Malacañang si dating pangulong Joseph Estrada matapos ang siyam na taon mula ng patalsikin noong 2001 sa pamamagitan ng EDSA 2.
Sina Estrada at dating pangulong Fidel Ramos ay inimbitahan ni pangulong Gloria Arroyo na dumalo sa National Security Council (NSC) meeting sa Palasyo, ngunit hindi dumating si Ramos.
Nagalak si Estrada ng siya ay imbitahan ni Arroyo sa naturang pagtitipon at sinabing umaasa siya na makakatulong sa paghahanap ng solusyon sa suliranin ng bansa lalo na sa peace and order.
Umaasa din si Estrada na magiging matagumpay ang unang automated election, kasabay ng pagsasabing nais niyang bumalik sa Malacañang kung ito ay kanyang “destiny”.
Magkatabi sina Pangulong Arroyo at Erap sa naturang meeting at nagkaroon pa nga ng “light moment” ang dalawang lider habang ginaganap ang pagpupulong.
Tumatakbo muli si Erap na pangulo sa darating na May 2010 elections sa ilalim ng Pwersa ng Masang Pilipino.
Samantala, sinabi naman ni Press Secretary Cerge Remonde na nagkaisa ang lahat sa naturang meeting na magkaroon ng maayos na resulta ng 2010 elections kaya inatasan din ni Pangulong Arroyo sina Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno at Defense Secretary Norberto Gonzales na hadlangan ang New People’s Army sa panghihingi ng permit to campaign fee sa mga kandidato na umaabot ng P500,000.