Police escort ng VIPs binawi
MANILA, Philippines - Binawi na ng Philippine National Police ang aabot sa 1,600 police security escort na nakatalaga sa may 700 VIPs na kinabibilangan ng mga opisyal ng pamahalaan at pribadong indibidwal kaugnay ng gaganaping pambansa at lokal na halalan sa darating na Mayo.
Ayon kay Chief Supt. Lina Sarmiento, hepe ng PNP-Police Security and Protection Office, pinagrereport na niya sa kanilang mga mother unit ang mga security escorts ng mga VIP para sa accounting ng mga tauhan ng pulisya.
Ang hakbang, ayon sa opisyal ay alinsunod sa Comelec Resolution 8714 o ang agarang pagpapatupad ng pagbawi sa mga security escorts.
Tiniyak naman ng opisyal na hindi nila aabandonahin ang kanilang mga tungkulin sa mga testigo ng karumaldumal na krimen at maging sa mga biktima ng kidnapping.
Ipinaliwanag naman ni Sarmiento na para sa mga kandidato o mga pribadong indibidwal, kailangan ng mga itong hingin ang pag-apruba ng Joint Security Control Centers bago muling makakuha ng mga police security escorts. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending