Panawagan ni Cardinal Rosales: Deboto maging simple
MANILA, Philippines - “Sobra-sobra” na ang debosyon ng mga mananampalataya sa Poong Nazareno.
Ito ang inamin kahapon ni Manila Archbishop Gaudencio Cardinal Rosales kaugnay sa nasaksihang paggigitgitan ng mga deboto sa prusisyon ng imahe ng Nazareno nitong Sabado sa Maynila na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang katao at pagkakasugat ng daan-daan pang mananampalataya.
Ayon kay Rosales, ang sobra-sobrang debosyon ang ilan sa mga “mali” sa pananampalataya na nangangailangan ng pagbabago o paglilinis.
Sinabi ng Cardinal na nagkakaroon ng problema sa debosyon dahil sa pagiging emosyonal ng mga deboto.
Ayon kay Rosales, kapag labis na tumaas ang emosyon ay nababalewala na ang rason, gayundin ang kabanalan ng kapistahan ng patron, at ang debosyon.
Sinabi ng Cardinal na mainam naman ang debosyon ngunit ang pagkasayang ng buhay at pagkakasakitan ng mga taong sumasama sa prusisyon ay taliwas aniya sa tunay na layunin ng pagdiriwang.
Iginiit din ni Rosales na isa pang labis na debosyon ay kung ang pa nanampalataya ay ginagawa ng isang deboto para sa kaniyang sariling kapakanan lamang.
Inamin rin nito na maraming bagay na dapat na linisin maging sa mga bagay na pang-relihiyon lalo na’t sobra-sobra ito.
Kaugnay nito, muling nanawagan si Rosales sa mga deboto ng Poong Nazareno na maging simple lamang at huwag maging makasarili na siya aniyang nais na ibahagi ng Black Nazarene sa tao at siya aniyang tunay na debosyon. (Mer Layson)
- Latest
- Trending