MANILA, Philippines - May 12 katao ang kauna-unahang nasampulan ng ipinapatupad na malawakang gun ban o pagbabawal sa pagdadala ng baril sa buong bansa, ayon sa Philippine National Police.
Base sa Comelec resolution no. 8714, ipinagbabawal ang pagdadala ng baril, explosives at anumang nakakamatay na sandata sa loob ng 150 araw na election period mula Enero 10, 2010 hanggang Hunyo 9, 2010
Sa ulat na nakarating sa PNP national operations center sa Camp Crame, lumilitaw na isang PO1 Dennis Quinto ng The Regional Mobile Group ng National Capital Region Police Office ang nadakip 30 minuto matapos ang pagbubukas ng mga checkpoint nitong Linggo sa kahabaan ng A. Bonifacio Ave, Brgy. Pag-ibig sa Nayon, Quezon City.
Ayon sa QCPD police Station 1, si Quinto ay nakasuot ng sibilyan attire at nakasakay sa motorsiklo nang pahintuin sa isang checkpoint. Nakuha sa kanya ang isang kalibre 45 armscor pistola habang nakasukbit sa kanyang bewang.
Makalipas ang ilang oras, nadakip sa isang checkpoint ang isang Rhogel Gutierrez sa may panulukan ng Congressional at Mindanao Avenues habang bitbit ang isang kalibre 45 pistola sakay ng motorsiklo.
Iniulat naman ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagkakadakip sa mga gun ban violators sa magkakahiwalay na checkpoints sa Camanava area. Ayon sa Northern Police District, nadakip ang isang Eman B. Perez dahil sa pagkakalinga ng kalibre .45 armscor at Leopoldo Z. Francisco na nakuhanan naman ng .9mm barreta pistol.
Sa Manila Police District, iniulat naman na nadakip ang isang Atty. Tecson John Lim, na nakuhanan ng isang Glock cal. 40 at isang sigsauer 9mm pistol.
Sa Southern Police District, naaresto sina SPO1 William Ronquillo na nakuhanan ng 9mm Glock pistol; PO1 Aldrin Almanzar na nakuhanan ng kalibre 45 Norinco Pistol; Navy S1BM Michael Bashan, kalibre 9mm norinco pistol at Juan Carlos Maglaque, na nahulihan ng auto electric airsoft AK 47 replica rifle
Sa Pasig City, nadakip naman ng tropa ng pulisya dito si Tristam de Castro at Junas Eslao sa may Ortigas center dahil sa pagdadala ng ipinagbabawal na airsoft at replica pistols.
Sa General Santos City naman ay nadakip ng pulisya dito ang isang Rex Adulacion Baldelovar sa checkpoint kung saan nakuha naman dito ang isang kalibre 45 pistola.