2 patay sa pista ng Nazareno

MANILA, Philippines - Dalawa katao ang mu­ling nagbuwis ng bu­hay sa tradisyunal na pru­sisyon ng imahe ng Itim na Nazareno mata­pos na mahulog mula sa karosa nito ang isang 40-anyos na lalaki habang nahi­ matay at tuluyang nata­pakan ng daang ka­tao ang isang 42-anyos na mister kahapon ng umaga sa Ermita, Maynila.

Idineklarang dead-on-arrival sa Jose Reyes Me­morial Medical Center ang biktimang si Bernar­dino Basilio, ng magtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan ng ma­hulog umano sa karosa, bago pa tumulak ang pru­sisyon mula sa Quirino Grandstand, Luneta ha­bang ang biktimang si Rodrigo Omampo, resi­dente ng Arellano corner Zobel sts., Makati ay na­matay dahil sa cardiac arrest dakong alas-11:30 ng umaga.

Sugatan naman na isinugod dakong alas-8:30 ng umaga sa Phi­lippine General Hospital sina Adelina Bautista; 80, John Marvin De Los Santos; 19; Robert John­son Madrid; Irish Balano, 17; at Robert Nobregas, 64. Nagtamo din ng sugat sa dibdib si Estrella Santos, residente ng San Juan City matapos na ma­tamaan ng pinaputok na kwitis ng di pa ma­tukoy na suspek habang nag-aabang ng pag­dating ng prusisyon sa Quezon Blvd.

Hindi rin nakaligtas ang kilalang deboto ng Black Nazarene na si Vice President Noli de Cas­tro matapos na ma­sugatan ang talampakan nito ng salubungin ang pru­sisyon sa tapat ng Manila City Hall kasama ang kanyang mga security.

Tatlumpung taon ng namamanata si de Cas­tro kung saan nagsimula ito noong siya ay nasa kolehiyo pa lamang.

Sa ulat ng Philippine National Red Cross, uma­­abot na sa 119 deboto ang kanilang nagamot mata­pos na masugatan, mahilo at mawalan ng malay.

Tuluyan naman nag­karoon ng tulakan sa prusisyon at mahulog ang mga debotong naka­sakay sa karosa dakong alas-3:15 ng hapon ng makarating ito sa dulo ng McArthur Bridge.

Pasado alas-8 kagabi ng tuluyang maibalik sa simbahan ng Quiapo ang Nazareno. (Dagdag ulat ni Doris Franche)

Show comments