Lacson hinamon sa Dacer
MANILA, Philippines - Hinamon kahapon ng isang alyansa ng mahigit 60 non-government organizations sa buong bansa si Sen. Panfilo Lacson na lumantad agad at harapin ang kasong murder na isinampa laban sa kaniya dahil sa Dacer-Corbito murders at huwag ibahin ang usapan sa media.
Pinuna ng may 75,000-miyembrong Balikatan People’s Alliance ang kasabihan sa batas na ang pag-iwas o pag-alis ay isang senyales ng pag-amin ng kasalanan.
Kung talagang walang kasalanan si Lacson tulad ng sinasabi nito, binigyang-diin ng Balikatan na walang dapat maging hadlang sa senador para lumabas agad at ipagtanggol ang kaniyang sarili.
“Hindi kailangang umalis o umiwas kung walang dapat iwasan. Ang sinumang tuna na walang kasalanan ay agad na susunggaban ang lahat ng pagkakataon para malinis ang kaniyang pangalan,” ayon sa Balikatan.
Inilarawan pa ng Balikatan bilang malaking kalokohan at tanda ng desperasyon ang pahayag ni Lacson na ang kaso laban sa kaniya ay sanhi ng kaniyang mga pag-atake laban sa Gobyerno.
“Tandaan natin na ang mga biktima ay dalawang pribadong indibidwal at hindi ang Pamahalaan, o sinuman sa mga ito. Nangyari ang mga pagpatay kina Dacer at Corbito ilang taon pa bago naluklok ang kasalukuyang Administrasyon sa kapangyarihan.
“At higit sa lahat, ang mga nagsangkot kay Sen. Lacson sa Dacer-Corbito case ay ang mga naulila ng mga biktima at mga dating tauhan mismo ng senador sa Philippine National Police. Kaya bakit Gobyerno pa rin ang dapat sisihin,” puna pa ng Balikatan. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending