MANILA, Philippines - Bunsod ng sunud-sunod na sakuna sa karagatan, nanawagan kahapon ang mga Pilipino magdaragat sa pamahalaan na magpatupad ng mga konkretong hakbang upang maiwasan na ang naturang mga trahedya.
Ang apela ay ipinaabot ng United Filipino Seafarers sa Maritime Industry Authority upang aksyunan agad ang implementasyon ng mga batas at kautusan ukol sa maritime safety at tuluyan nang mabura ang tinatawag na ‘perfect formula for maritime disaster’ .
Ayon kay Engr. Nelson Ramirez, pangulo ng UFS, ang kainutilan ng MARINA sa pagpapatupad ng mga batas at regulasyon sa maritime safety ay siyang tunay na dahilan kung bakit hindi matapos-tapos ang halos magkakasunod na sakuna sa karagatan nitong mga nakaraang taon na binigyan ng malaking pananda sa paglubog ng MV Princess of the Stars noong taong 2008.
Nagkaroon din ng imbestigasyon ang Senado matapos ang magkasunod na trahedya na kinasasangkutan ng fishing boat FB Anatalia at ng bangkang MB Catalyn B na nagbanggaan noong Disyembre 24, 2009 malapit sa Occidental Mindoro kung saan tatlo katao ang nangasawi at ang paglubog ng RoRo vessel MB Baleno 9 malapit sa Batangas makalipas ang dalawang araw kung saan anim ang patay. Hanggang sa ngayon, maraming bilang ng mga pasahero sa huling trahedya ang kasalukuyang hinahanap pa.
Binabatikos ng UFS ang MARINA sa pagpapalawig nito ng palugit para sa mga sasakyang pandagat na gawa sa kahoy na taliwas umano sa mandato ng RA 9295 o Domestic Shipping Development Act of 2004 na nagbigay lang sa mga operators ng hanggang limang taon upang gawing bakal ang kanilang mga sasakyan o tuluyan na itong i-retiro at sirain. (Mer Layson)