Walang taas-pasahe

MANILA, Philippines - Walang planong magtaas ng pasahe ang mga pam­pasaherong jeep kahit na tumaas ang halaga ng produktong petrolyo.

Sinabi ni Zeny Maranan, national president ng Fejodap, hindi muna sila hihingi ng taas pasahe sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) dahil dagdag gastos lamang anya ito sa taumbayan.

Nakakayanan pa naman anya ng jeepney group ang halaga ng produktong petrolyo sa ngayon pero saka na lamang hihirit ng fare hike ‘pag talaga anyang hindi na nila makayanan ang nagaganap na pagtaas ng halaga ng diesel.

Kahapon tumaas ng P1.25 ang halaga ng diesel kada litro at P1 ang tinaas sa halaga ng gasolina kada litro kaya aabutin na ng P33.50 ang kada litro ng diesel sa NCR at P38.50 kada litro ang halaga ng gasolina.

Binigyang diin naman ni Piston sec-gen Goerge San Mateo na pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ang tuluyang pagbasura sa oil deregulation law dahil ito lamang anya ang ugat ng kahirapan sa bansa at patuloy na pagtaas ng halaga ng mga produktong petrolyo.

Kaugnay nito, nilinaw ni LTFRB Chairman Alberto Suansing na kailangang may magpetisyon sa pagtataas ng pasahe sa mga pampasaherong sasakyan kung may nagnanais ng fare hike pero ito anya ay idadaan pa sa masusing pag-aaral ng LTFRB board bago desisyunan ng ahensiya. (Angie dela Cruz)

Show comments