May-ari ng Baleno 9 pinalalagay sa Immigration watchlist
MANILA, Philippines - Matapos makatanggap ng impormasyon na tatakas palabas ng bansa ang may-ari ng lumubog na barkong MV Baleno 9, iginiit kahapon ni Senate President Pro Tempore Jose “Jinggoy” Estrada na ilagay ito sa watchlist ng Bureau of Immigration.
Ayon kay Estrada, dapat masiguradong hindi makakalabas ng bansa si Patrick Ang, ang sinasabing may-ari ng MV Baleno 9 na lumubog sa San Agapito point sa Isla Verde malapit sa Calapan City, Oriental Mindoro noong Disyembre 26.
Nasa anim na katao ang namatay sa nasabing insidente kabilang ang isang sanggol at marami pa rin ang pinaghahanap na pasahero.
Sinabi ni Estrada na base sa impormasyong nakarating sa kaniyang tanggapan, balak ni Ang na takasan ang kaniyang criminal liability.
“I am asking BI Commissioner Marcelino Libanan to take special attention on the case of Mr. Ang and not allow him to leave the country to escape prosecution,“ sabi ni Estrada.
Idinagdag ni Estrada na malaki ang maitutulong ng gobyerno sa mga kamag-anakan ng biktima kung masisiguradong mapapanagot ang responsable sa insidente. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending