MANILA, Philippines - Pansamantalang sinibak sa puwesto ang tatlong tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na nakatalaga bilang bantay ng mga Ampatuan sa Camp Fermin Lira, General Santos City kaugnay ng isyu ng VIP treatment sa mga akusado sa Maguindanao massacre.
Sa phone interview, kinumpirma ni Sr. Supt. Benito Estipona, Deputy for Operations ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang pagsibak kina SPO4 Alejandro Pedroso, SPO1 Emilio Militante at Sr. Inspector Teody Condeza.
Ang mga ito ang nagsisilbing bantay ng CIDG 12 kina dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan, dating Maguindanao Vice Gov. Akhmad Ampatuan, dating Maguindanao acting Gov. Sajid Ampatuan at dating Shariff Aguak Mayor Anwar Ampatuan.
Ang isa pa na si dating Maguindanao Gov. Andal Ampatuan Sr. ay nasa kustodya naman ng AFP-Eastern Mindanao Command sa Camp Panacan, Davao City.
Si Estipona ay ipinadala sa Camp Fermin Lira ni PNP-CIDG Chief P/Director Raul Castañeda upang pangunahan at isuperbisa ang imbestigasyon sa napaulat na kontrobersyal na VIP treatment sa mga Ampatuan.
Ayon sa opisyal, nagpaliwanag umano sa kanilang imbestigasyon ang mga guwardiya na may request ang mga abugado ng Ampatuan na palabasin sa selda sina Zaldy Ampatuan at Sajid noong gabi ng Disyembre 31 habang malaya ring nakakagalaw ang iba pa sa maimpluwensyang angkan. (Joy Cantos)