Not guilty! - Andal Jr.
MANILA, Philippines - Naghain ng “not guilty” plea si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. sa isinagawang arraignment hinggil sa kasong 41 bilang ng murder kahapon sa loob ng Police Non-Commissioned Office (PNCO) Camp Crame, Quezon City.
Si Ampatuan Jr., ay binasahan ng sakdal sa wikang English batay na rin sa utos ni QC-Regional Trial Court Branch 221 Judge Jocelyn Solis-Reyes sa kabila ng paggiit ni Atty. Sigfrid Fortun na ito ay hindi maiintindihan ng una.
Hindi naman umayon si Reyes na magkaroon ng preliminary conference bago iharap ang mga testigo para sa petisyong makapagpiyansa kung saan unang sumalang sa witness stand si National Bureau of Investigation Counter-Terrorism Unit chief, Atty. Ric Diaz matapos na ito ang kumuha sa testimonya ng limang testigo at dala ang flash drive na naglalaman ng 30 hanggang 40 larawan sa crime scene.
Hiniling naman ni Assistant Chief State Prosecutor Richard Anthony Fadullon na tanggapin ng korte ang mga larawan bilang ebidensiya na agad na tinutulan ni Fortun.
Dito ay mariing itinanggi ni Ampatuan Jr., na siya ang utak sa November 23 massacre na ikinamatay ng 57-katao kabilang ang 32 miyembro ng media sa Sitio Masalay, Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao.
Kabilang sa umano’y mga utak sa massacre ay sina dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., dating ARMM Governor Zaldy Ampatuan, dating Maguindanao Vice Governor Sajid Akhmad Ampatuan, dating Shariff Aguak Mayor Anwar Ampatuan Jr. atbp.
Kasabay nito, naghain ng manifestation ang abogado ng mga kaanak ng biktima ng massacre na si Atty. Harry Roque para mailipat sa QC-Jail si Ampatuan Jr., at ituring itong ordinaryong kriminal. Nabatid na dalawang beses sa isang linggo isasagawa ang pagdinig sa kaso upang ito ay mapabilis.
Samantala, ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Jose Midas Marquez, ikinatuwa ng mga mahistrado ang mapayapang pagdinig sa naturang kaso bunsod na rin ng mahigpit na seguridad na pinairal ng pulisya para maiwasan na muling makuyog si Ampatuan Jr., tulad ng naganap sa preliminary investigation sa Department of Justice noong Disyembre 28. Tanging ballpen, lapis at papel lang ang pinapahintulutang dalhin ng mga miyembro ng media sa loob ng court room.
Una na rin itinaas ng PNP ang full alert sa buong kampo kung saan 360 pulis ang nakakalat at nakasuot ng bullet proof vest bukod pa ang mga elemento ng Highway patrol at kawani ng National Capital Region Police Office.
Muling itinakda ang pagdinig sa Enero 13 at 20, 2010.
Malaki naman ang paniniwala ni Buluan Vice Mayor Esmael “Toto” Mangudadatu na mapaparusahan ang mga responsable sa pagpatay sa kanyang asawa’t mga kaanak. Nanawagan din si Mangudadatu na tumulong sa pagbabantay at pagtutok sa kasong multiple murder laban sa mga nasabing suspek. Tiwala din ito na hindi papayagan ng korte na makapagpiyansa si Ampatuan Jr.
“Magtulungan po tayo, magdasal po tayong lahat para mabigyan ng tamang hustisya ang mga biktima at mahatulan ng guilty ang mga nasa likod nitong heinous crime na ito,“ ani Mangudadatu.
- Latest
- Trending