Bahay ng Ampatuans binomba
KIDAPAWAN CITY , Philippines – Pinaulanan ng mga mortar at granada ng mga hinihinalang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front ang mansion at gasolinahang pag-aari ng pamilya Ampatuan sa Shariff Aguak, Maguindanao, kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Senior Superintendent Alex Lenesis, acting Maguindanao Provincial Police director, tatlo sa limang mga shoulder-fired projectiles na ito ay bumagsak malapit sa mosque na nasa compound ng bahay ni dating Maguindanao Governor Datu Andal Ampatuan Sr. samantalang ang dalawa pa ay bumagsak sa may gasolinahan ng angkan sa national highway ng Shariff Aguak.
Naganap ang pagpapasabog matapos pasukin ng mga suspek ang ilang kabahayan malapit sa mga mansion ng mga Ampatuan kung saan tatlong mga motorsiklo ang kanilang tinangay.
Tinangka pa nilang pasukin ang compound ng manugang ni Datu Andal, Sr., pero natunugan sila ng mga sundalong nagbabantay.
Sa pursuit operations na ginawa ng tropa ni Lenesis, na-recover nila ang isa sa tatlong mga tinangay na motorsiklo.
Pero blangko pa rin ang mga ito kung sino ang nasa likod ng pagpapasabog sa Shariff Aguak.
Ayon sa opisyal, sunud-sunod na pagpapaulan ng mortar mula sa M 79 grenade launcher ang pinawalan ng mga suspect sa compound ni Andal Sr.
Nabatid na ang pinuntiryang Petron gasoline station na nagsara matapos ang malagim na massacre ay pag-aari ni Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. na kasalukuyang nasa kustodya ng National Bureau of Investigation at itinuturong isa sa mastermind sa massacre.
- Latest
- Trending