Gibo lumalakas ang suporta sa S. Tagalog at Iloilo
MANILA, Philippines - Lalong lumalakas ang suportang natatanggap ni Lakas-Kampi-CMD standard bearer Gilbert “Gibo” Teodoro Jr. matapos magpahayag ng suporta ang mga pangunahing political figures mula sa Southern Tagalog at Iloilo.
Ayon kay dating Mayor’s League president at Justice Secretary Agnes Devanadera, na tatakbong kongresista sa 1st district ng Quezon province, si Gibo ang nangungunang presidential candidate choice ng mga ‘matatalino’ at ‘nag-iisip’ na Filipino dahil sa kwalipikasyon nitong maging susunod na pangulo ng bansa.
Sinabi ni Devanadera, ang mga resulta ng surveys at mock polls sa mga paaralan at social networking website ay nagpapatunay lamang na si Gibo ang nangungunang choice ng mga estudyante kabilang ang mock polls sa University of the Philippines (UP) at professionals.
Sa Iloilo, nangako naman si dating Justice Secretary at dating Presidential Chief Legal Counsel Raul Gonzalez ng 300,000 boto kay Teodoro para sa Iloilo upang masiguro ang panalo ng administration presidential bet sa darating na presidential polls.
Wika pa ni Gonzalez, tanging si Teodoro lamang sa hanay ng mga kandidato ang mayroong sapat na talino at liderato para pamunuan ang bansa sa darating na 2010 elections. (Rudy Andal/Joy Cantos)
- Latest
- Trending