Mga 'floating coffin' huwag nang paglayagin
MANILA, Philippines - Hindi na umano dapat makapaglayag sa karagatan ang mga tinatawag na ‘floating coffin’ kung saan puwedeng ibilang ang mga dating cargo na ginawang passenger vessels.
Ito ang sinabi kahapon ni Vice President Noli “Kabayan” de Castro kasunod ng mga trahedyang nangyari sa karagatan nitong holiday season.
Ayon kay de Castro, nalalagay sa peligro ang buhay ng mga mamamayang sumasakay sa mga barkong hindi naman ligtas na gamitin bilang passenger vessels.
Nabubuhay ang isyu ng mga tinatawag ng ‘floating coffin’ o mga barkong delikado ng sakyan tuwing magkakaroon ng trahedya sa karagatan.
Dumadagsa ang mga pasaherong sumasakay ng barko tuwing holiday season upang makasama ang kanilang mga mahal sa buhay na nasa mga probinsiya.
Kung ipagbabawal ang mga altered na barko o mga dating cargo na ginawang passenger vessels, ay posible anyang maiwasan ang mga aksidente sa karagatan.
Pero sa panig naman ni Marina administrator Elena Bautista, dapat tulungan ang mga nasa shipping industry para ma-upgrade ang kanilang mga barko.
Ayon kay Bautista, kailangang magkaroon ng isang financing program kung saan maaring makautang ang mga negosyante sa mas mababang interes. (Malou Escudero/Rudy Andal)
- Latest
- Trending