MANILA, Philippines - Lima na ang kumpirma dong patay at 22 na lamang ang hahanapin ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos makapag-retrieve pa kahapon ng bangkay ng lalaki at babae mula sa nakalubog na M/V Catalyn B, sa lalim na 221 feet, sa Limbones Island sa Cavite.
Sinabi ni Lt. Commander Armand Balilo, tagapagsalita ng PCG, ang bangkay ng lalaki ay tinatayang nasa 30 taong gulang habang ang babae ay nasa 20 ang edad, na naiahon ni Capt. Matt Caldwell ng Philippine Coast Guard Auxiliary.
Una nang kinilala ang mga bangkay nina Beverly Cabinillo, 36; Relly Morales, 71; at Welmar Tanayan, 27, habang ang dalawa ay hindi pa nakikilala.
Nasa 46 ang bilang ng survivors ng M/V Catalyn B na lumubog noong madaling-araw ng Disyembre 24 matapos makabanggaan ang F/V Anatalia. (Ludy Bermudo)