MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng Department of Foreign Affairs na parehong matutulungan ng pamahalaan ang Pilipinang napatay sa loob ng bahay ng Lebanese ambassador at ang suspek na isa ring overseas Filipino worker sa Austria.
Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Esteban Conejos, inatasan na niya ang Embahada ng Pilipinas sa Vienna na makipag-ugnayan sa Viennese Police at sa kampo ng biktima at mismong suspek na nakakulong at nahaharap sa kasong murder upang mabigyan ng ayuda ng pamahalaan.
Posibleng bigyan ng tulong legal o abogado ng embahada ang nasabing suspek. Gayunman, kapag napatunayang nagkasala ay inaasahan na masesentensyahan ito ng parusang bitay.
Aasistihan din ng Embahada ang pagpapauwi sa bangkay ng biktima maging ang anumang be nepisyo na maaaring makuha nito at sa mister nito na dumating na sa Vienna.
Kinumpirma ni Conejos na umamin na ang suspek sa pagpatay kay Romalyn Basalo, 30, tubong Surigao del Norte. Tumanggi ang kalihim na pangalanan sa ngayon ang suspek.
Pagseselos ang tinitingnang motibo sa pamamaslang kay Basalo na natagpuang tadtad ng saksak sa isang maliit na silid sa residential building ni Lebanese Ambassador to Vienna Ishaya El-Khoury na matatagpuan sa Gymnasium St. 59, 18th District ng Vienna. (Ellen Fernando)