MANILA, Philippines - Sa pagbungad ng taong 2010, sasalubungin ng mga pagbaha at mga pagguho ng lupa o landslides ang ilang bahagi ng Visayas at hilagang Mindanao ngayong taon, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration kahapon.
Ayon sa PAGASA, ang ganitong pangyayari ay sanhi ng buntot ng cold front na nararanasan sa Visayas.
“Ang Kalakhang Maynila ay makakaranas ng bahagya hanggang sa maulap na kalangitan na may pulu-pulong dagliang pag-ulan. Katamtaman hanggang sa malakas na hangin mula sa hilagang-silangan ang iiral at ang Look ng Maynila ay katamtaman hanggang sa maalon,” ayon sa weather bulletin ng Pagasa.
Katamtaman hanggang sa malakas na hangin mula sa hilagang-silangan ang iiral sa Luzon at Kabisayaan at mula naman sa silangan at hilagang-silangan ang iihip sa Silangang-Mindanao.
Ang natitirang bahagi ng bansa ay magiging bahagya hanggang sa maulap na may pulu-pulong pag-ulan o pagkulog-pagkidlat.
Inalerto din ng Pagasa ang mga mangingisda sa malalakas na hanging sa karagatan ng Northern Luzon at ang eastern seaboard ng Central Luzon. (Ricky Tulipat)