Emergency class sa Albay inutos
MANILA, Philippines - Itutuloy pa rin ng Department of Education ang pagbibigay ng edukasyon sa mga mag-aaral sa Albay na nasa danger zone matapos na ipag-utos ang pagsasagawa ng “emergency classes” sa apat na paaralan na ginagamit na “evacuation centers.”
Inutos ng DepEd sa mga namamahala sa Albay District, Albay Central School, Buyuan Elementary School, at Matanag Elementary School ang pagsasagawa ng klase sa mga mag-aaral mula tanghali hanggang alas-6:00 ng hapon.
Ibabalik naman sa normal na kalakaran ang klase ng mga mag-aaral sa oras na ihayag na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na normal na ang sitwasyon at ipag-utos ang pagbalik ng mga evacuees sa kani-kanilang mga tahanan.
Habang nagsasagawa ng klase, mananatili ang mga evacuees sa mga tent sa labas habang magkaklase naman ang mga mag-aaral sa loob ng mga silid-aralan. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending