MANILA, Philippines - Umiiwas na rin sa intriga at reklamo ang mga opisyal ng Minor Basilica o mas kilalang Quiapo church ng Black Nazarene sa paghahayag na ibabalik na nila sa tradisyunal na ruta ang prusisyon nito sa Enero 9.
Hindi na umano nila nais maulit na ang naging kaguluhan at reklamo nang baguhin ang ruta at nagdulot ng kalituhan sa mga deboto o’ namamanata noong nakaraang taon.
Marami din umano ang naniniwala na hindi dapat baguhin ang dating nakaugalian sa prusisyon bilang ‘pamahiin’.
Matatandaang mahigit 10 oras ang itinagal ng prusisyon noong nakalipas na taon bago naibalik sa loob ng simbahan ang imahe ng Itim na Nazareno, na nagsimula sa Quirino Grandstand, dumaan sa P. Burgos Street, McArthur Bridge, Rizal Avenue, C.M. Recto Avenue, Legarda Street, Arlegui Street, Quezon Boulevard, Palanca Street, Villalobos Street at Plaza Miranda papasok ng simbahan ng Quiapo.
Sa tradisyunal na ruta at ipatutupad ngayon, magsisimula ang prusisyon sa Quirino Grandstand dakong alas-8:30 ng umaga at dadaan sa Katigbak Drive, Padre Burgos St., McArthur Bridge, Carlos Palanca St., P. Gomez St., P. Paterno St., Quezon Boulevard, Arlegui, Fraternal St., Vergara St., Duque de Alba St., Castillejos St., Farnecio St., J. Nepomuceno St., C. Aguila St., Carcer St., R. Hidalgo St., Bilibid Viejo St., Gil Puyat St., Z.. P. de Guzman St., R. Hidalgo St., Barbosa St., Globo de Oro St., Villalobos St., at Plaza Miranda para sa pagbabalik sa loob ng Quiapo Church.
Nabatid na, simula bukas, ang Black Nazarene ay ilalabas ng simbahan ng Quiapo pagkatapos ng misa ng 5:00 ng umaga at ipaparada sa Quiapo na sasabayan din ng prusisyon ng Birheng Maria sa dakong hapon. (Ludy Bermudo)