Kaya tumahimik, Bunganga ng Mayon nabarahan
MANILA, Philippines - Posibleng may bumara sa bunganga ng bulkan na siyang ugat ng biglaang pananahimik nito sa nakalipas na apat na araw.
Ito ang sinabi ni Julio Sabit, science research specialist ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology matapos na patuloy na bumaba ang aktibidad ng Mayon kung saan patuloy na walang naitatalang pagbuga ng abo mula dito sa nakalipas na magdamag.
Ayon kay Sabit, hindi pangkaraniwan ang pananahimik ng bulkan dahil ang normal na paghupa ng aktibidad anya nito ay ang unti-unti gaya ng sa pagkawala ng crater glow, lava flow at incandescent materials na taliwas sa biglaang reaksyon nito sa nakalipas na araw na biglang nanahimik.
Dahil dito, pinalalagay ng opisyal na posibleng may nakabara sa bunganga ng bulkan bunga na rin ng agarang pagkawala ng aktibidad nito tulad ng pagbaba ng bilang ng sulfur dioxide na inilalabas nito.
Nauna rito, pinalalagay ng pamunuan na ang magaganap na full moon sa pagpasok ng taon ay maging sanhi ng malakas na pagsabog dahil sa taglay nitong puwersa na maaring magtulak sa magma paitaas na hindi naman nangyari.
Lumitaw sa ginawang monitoring ng Phivolcs sa paligid ng bulkan na nagtala lamang ito ng 28 volcanic earthquakes, at 91 rockfall events o paggulong ng mga bato bunga na rin ng mga nabakbak na labi ng mga lava ng ibinuga ng bulkan sa loob ng 24 oras.
Negatibo naman ang ash exlplosion at naging mahina din ang paglabas ng mga puting abo mula sa bunganga nito habang maaliwalas ang nakitang kabuuan nito na nagsimula dakong alas-7:29 ng umaga at mula alas-5:25 ng hapon hanggang alas-5:40 ng hapon nitong Huwebes.
Gayunman, nanatiling nasa alert Level 4 ang bulkan ngunit, ayon sa Phivolcs, sa sandaling walang maganap na anumang aktibidad ang bulkan sa susunod na mga araw ay kinokonsidera ng pamunuan na ibaba na ang alerto nito sa tatlo.
Mahigpit pa ring ipinatutupad ang Extended Danger Zone na 8 kilometer sa southern sector mula sa bunganga ng bulkan at 8 kilometer naman sa northern sector. Ang mga lugar na tukoy na lahar prone sa southern sector ay pinaiiwas din ng pamunuan dahil sa masamang kondisyon o kung may maganap na pagbuhos ng ulan.
Pinaalalahanan din ang mga piloto ng eroplano na iwasan ang paglipad mula sa bunganga ng bulkan dahil sa posibleng biglaang pagpapalabas ng abo o volcanic fragments bunga na rin ng biglaang pagsabog. (Ricky Tulipat)
- Latest
- Trending