MANILA, Philippines - Lima katao ang naitalang nasawi habang 571 pa ang nasugatan sa madugong pagsalubong sa Bagong Taon, ayon sa mga opisyal nitong Biyernes.
Sa report na nakarating sa Philippine National Police at ng National Disaster Coordinating Council, karamihan sa mga ito ay biktima ng paputok at ng ligaw na bala sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Sa Zamboanga City, namatay rin ang dalawang menor de edad na sina Unggah Akin nang, 17 anyos at Nurwina Jul-arsi, 14, nang bumigay ang marupok na tulay na tinutuntungan ng mga ito habang nanonood ng fireworks display nitong gabi ng bisperas ng Bagong Taon. Lima katao rin ang naitalang sugatan.
Sa iba pang panig ng bansa, nasa 571 katao ang nasugatan sa paputok at 26 rito ayon sa mga opisyal ay sanhi ng ligaw na bala.
Sa kabila ng pagbaba ng bilang ng mga biktima ng paputok, inamin ng PNP na tumaas ng 53 porsiyento ang mga biktima ng ligaw na bala sa New Year count down ngayong 2010.
Ito’y sa kabila ng inilunsad na “Iwas Paputok campaign’ ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan sa pangunguna ng PNP at Department of Health.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Leonardo Espina na mula Dis yembre 21, 2009 hanggang Enero 1, 2010 ay 26 na kaso ng mga biktimang tinamaan ng ligaw na bala ang kanilang inimbestigahan.
Ayon kay Espina, sa nasabing kaso, 18 sa mga biktima ay mula sa National Capital Region.
Ikinagalak at ipinagmalaki ng DoH ang pagbaba ng bilang ng mga biktima ng paputok sa pagsalubong ng bagong taon kumpara noong 2009 kasabay ng pahayag na umabot lamang sa 597 ang naitalang biktima.
Sa isang pulong-balitaan sa East Avenue Medical Center, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque na bumaba nang 15 porsyento ang mga fireworks related incident mula noong Disyembre 21, 2009 hanggang ngayong Enero 1, 2010.
Gayunman, inamin naman ng PNP ang kanilang pangamba bunsod ng pagtaas ng bilang ng biktima ng ligaw na bala.
Dahil dito, magsasagawa ng ballistic examination ang PNP kaugnay sa mga slugs o basyo ng mga bala na narecover para matukoy kung sino ang may-ari nito lalo na kung ito’y nakarehistro.
Samantala, nagpaliwanag naman si Duque na ang datos ngayon sa mga fireworks related injuries ay mula sa 43 mga tinaguriang sentinel hospitals sa iba’t ibang dako ng bansa.
Sa 597 na bilang, 570 dito ay mga biktima dala ng paputok habang ang 26 ay mula sa ligaw na bala. Isa naman ang insidente ng watusi ingestion. Ang piccolo pa rin ang may pinakamataas na bilang ng mga biktima kung saan umaabot sa 208.