Pinay kinatay sa Vienna

MANILA, Philippines - Isang Pinay ang na­tagpuang patay sa loob ng bahay ng kanyang among Lebanese ambassador sa Vienna, Austria kamaka­lawa.

Kinilala ni Ed Malaya, tagapagsalita ng Department of Foreign Affairs, ang biktimang si Ro­malyn L. Basalo, 30-anyos, na na­tagpuang tadtad ng saksak sa loob ng bahay ni Lebanese Ambassador to Vienna Ishaya El-Khoury na matatagpuan sa Gymnasium St. 59 sa 18th District ng Vienna.

Nabatid na wala ang nasabing ambassador at nagbabakasyon sa Beirut kasama ang pamilya nito nang maganap ang insi­dente.

Sa report ng Emba­hada, tanging ang bik­tima at kasamahang cook na isa ring Pinoy ang naiwan sa bahay para mag­ban­tay habang wala ang mga amo. 

Ayon sa Lebanese Fo­reign Ministry, dahil sa insidente kinailangang putulin ni El-Khoury ang kanyang mahaba sanang bakasyon.

Nangako naman ang Viennese police na mag­bibigay agad sila ng ka­ganapan sa embahada hinggil sa isinasagawa ni­lang pagsisiyasat upang matukoy ang respon­sable sa pagpatay sa naturang Pinay.

Personal na ring nag­tungo sa Vienna Police station ang Charge d’ Affaires ng Embahada ng Pilipinas para imonitor ang kaganapan sa kaso.

Ayon sa DFA, naipag­bigay-alam na nila sa pamilya ng naturang OFW ang sinapit nito sa Vienna.

“The husband of the deceased, who is based in Dubai, has been notified about the incident and is expected to arrive in Vienna today,” ani  Malaya.

Hindi naman kinoko­sindera na ang pagpatay sa nasabing Pinay ay may kaugnayan sa pag-atake sa naturang Lebanese ambassador kundi tiniting­nan ang posibili­dad na ito ay sanhi ng personal na usapin.

Show comments