Noynoy, Villar pinagkakatiwalaan ng Pinoy
MANILA, Philippines - Dalawang senador na tumatakbong pangulo sa May 2010 elections ang mas pinagkakatiwalaang personalidad sa bansa, ayon sa pambansang survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS).
Halos magkapantay na sa estatistika sina Sen. Benigno Aquino III ng Liberal Party at Sen. Manny Villar, tumatakbong pangulo ng Nacionalista Party, sa unang puwesto sa ipinakitang survey na isinagawa noong Nob yembre 4-8.
Nakakuha si Aquino ng +71% habang nakopo naman ni Villar ang +70%. Kinalap ang survey sa 1,200 respondents na may margin of error na plus and minus 3%. Si Puerto Princesa Mayor Edward Hagedorn ang siyang nagpagawa ng naturang survey.
Sinundan sina Villar at Aquino nina Sen. Mar Roxas, LP vice presidential bet na may +65%; samantalang umabot naman sa +56% si Sen. Loren Legarda na katambal ni Villar.
Nasa listahan din sina Sen. Francis Escudero na may +54%, Vice President Noli de Castro na may +16% at Makati Mayor Jejomar Binay na may +13%.
Itinanong ng survey sa respondent ang: “Pag-usapan po natin ang tungkol sa ilang personalidad. Sa mga sumusunod, maaari po bang sabihin ninyo kung ang pagtitiwala ninyo kay (personality) ay napakalaki, medyo malaki, hindi tiyak kung malaki o maliit, medyo maliit, napakaliit, o wala pa kayong narinig o nabasa maski ano kahit na kalian tungkol kay (pangalan)?”
Nakakuha si Aquino ng 80% higit na pagtitiwala, 10% walang desisyon at 9% ang hindi nagtitiwala. Samantalang nakopo naman ni Villar ang 79% higit na pagtitiwala, 11% walang desisyon at 10% kaunting tiwala. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending