Mga pasaherong na-trap sa M/V Catalyn 'di pa maiaahon
MANILA, Philippines - Hindi pa batid ng Philippine Coast Guard (PCG) kung kailan nila tuluyang maiaahon ang mga pasahero na na-trap mula sa MV Catalyn B na matatandaang lumubog noong bisperas ng Pasko sa Limbones Island sa Cavite.
Ayon kay PCG Commandant Admiral Wilfredo Tamayo, hindi pa sila makapagbigay ng eksaktong petsa hinggil sa retrieval operation ngunit tiniyak isasagawa nila agad ito sa lalong madaling panahon.
Nabatid na bagamat 24 na pasahero pa ang nawawala ay 12 bangkay lamang, kabilang ang dalawang bata, ang nakita ng mga Coast Guard Auxiliary divers, na lumulutang sa loob ng lumubog na ferry, may 221 talampakan ang lalim sa karagatan.
Tiniyak naman umano ng mga divers, sa pangunguna ni Matthew Caldwell na muli silang sisisid sa karagatan at pipiliting iahon ang mga nakitang bangkay, na siyang prayoridad umano ngayon ng PCG.
Sa oras na maiahon ang mga bangkay ay saka umano paplanuhin ng PCG ang pagkalap ng mga ebidensiya mula sa lumubog na barko, o di kaya’y iaahon mismo ang buong barko, sa tulong ng pribadong kumpanya.
Sa kasalukuyan, nananatili aniya sa tatlo ang bilang ng mga nasawi sa trahedya, 46 ang na-rescue at 24 pa rin ang nawawala. (Mer Layson)
- Latest
- Trending