300 pulis bantay sa Ampatuan trial
MANILA, Philippines - Aabot sa 300 ang bilang ng mga pulis na ikakalat sa paligid ng Camp Crame sa Quezon City para magbantay habang nililitis dito ang mga miyembro ng ang kang Ampatuan at ibang sangkot sa pamamaslang sa 57 katao sa Maguindanao noong Nobyembre 23.
Isasagawa ang paglilitis sa gusali ng Police Non-Commissioned Officers sa Camp Crame na pinaplantsahan na ng seguridad.
Ayon kay Philippine National Police Spokesman Chief Supt. Leonardo Espina, kasalukuyan na ring inaayos ang ‘makeshift courtroom sa nasabing gusali.
Nangunguna sa mga isasalang sa paglilitis si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. na itinuro ng mga testigo na siyang nanguna sa pagbaril sa mga miyembro ng pamilya ni Buluan Vice Mayor Esmael “Toto “ Mangudadatu.
Si Toto ay kalaban sa gubernatorial race ng isa sa mga Ampatuan na siyang pangunahing motibo sa pagpatay sa mga biktima na kinabibilangan ng mahigit 30 mamamahayag.
Tiniyak naman kahapon ni Acting Justice Secretary Agnes Devanadera na maisasampa sa korte ang kasong multiple murder laban sa mga akusado bago pa sumapit ang Pebrero 10, 2010.
Sa naturang araw matatapos ang 60-araw na deadline ng Department of Justice para matapos ang preliminary investigation sa kaso.
Itutuloy ang preliminary investigation kahit hindi lahat ng respondents sa kaso ay magsumite ng counter-affidavits. Tatapusin nila ang imbestigasyon at ibabase na lamang ang probable cause sa hawak nilang ebidensiya kabilang ang mga testimonya ng mga testigo.
Kabilang din sa akusado sa kasong multiple murder charges at rebelyon sina Maguindanao Governor Andal Ampatuan, Sr., Autonomous Region in Muslim Mindanao Governor Zaldy Ampatuan, Anwar Ampatuan at Akmad Ampatuan at iba pa. (Joy Cantos at Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending