Bahay ng solon binomba
MANILA, Philippines - Niyanig ng malakas na pagsabog ang tahanan ni Maguindanao Congressman Didagen Dilangalen nang hagisan ito ng bomba ng hindi pa nakilalang mga kalalakihan na lulan ng motorsiklo sa Cotabato City kamakalawa ng gabi.
Naganap ang insidente kahit nasa ilalim pa rin ng state of emergency ang Cotabato City na bunsod ng malagim na pagmasaker sa may 57 katao sa Maguindanao noong Nobyembre 23.
Bukod sa Cotabato City, kasabay na ipinailalim sa state of emergency ang Maguindanao at Sultan Kudarat.
Sinabi ni Cotabato City Police Director Sr. Supt. Willie Dangane na naganap ang insidente dakong alas-6:26 ng gabi sa tahanan ni Di langalen sa Shariff Kabunsuan District, Rosary Heights sa nasabing lungsod.
Ang sumabog na bomba, ayon sa opis yal, ay isang uri ng Improvised Explosive Device.
Bago ito ay nakita pa umanong kahina-hinalang nagpabalik-balik ang motorsiklong sinasakyan ng mga suspek sa nasabing lugar.
Sa lakas ng pagsabog ay nawasak ang bintanang salamin at pader ng mansion ni Dilangalen bagaman walang naiulat na nasugatan at nasawi sa insidente, kamag-anak umano ng mga Ampatuan si Dilangalen.
Ayon kay Dangane, may lead na ang pulisya sa mga suspek na responsable sa pagpapasabog.
Nabatid na kararating lamang ng kongresista mula Davao City dahil sa pagpapagamot sa maysakit nitong ina nang madatnan ang sumabog na bahagi ng kaniyang tahanan.
- Latest
- Trending