MANILA, Philippines - Idineklarang firecrackers ban ni Health Secretary Francisco Duque III ang lahat ng pasilidad ng Department of Health na nangangahulugang hindi maaring magpaputok ang sinumang kawani at health personnel sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ang babala umano ay upang hindi na magtangka pang magpaputok ang mga empleyado, magdala o magbenta ng mga paputok sa bisinidad ng mga DOH hospitals at DOH offices.
Sakaling may magsumbong o mahuli sa akto ay may katapat umanong parusa, ayon kay DOH Assistant Secretary Dr. Elmer Punzalan sa pagdalo nito sa Balitaan sa Tinapayan sa Dapitan.
Aniya, nanatiling nasa code white alert ang lahat ng DOH hospitals para sa inaasahang masusugatan sa pagsalubong sa Bagong Taon at may sapat na suplay ng tetanus vaccine para sa mapuputukan.
Simula pa noong Disyembre 21, 2009 ang pagpapatupad ng Emergency Preparedness Response sa may 50 ospital at magtatapos ito sa Enero 21, 2010.
Handa rin ang 50 online centers ng DOH na mag-uulat sa central office ng DOH. (Ludy Bermudo)