MANILA, Philippines - Todo-suporta ang lalawigan ng Laguna kay Lakas-Kampi-CMD standard bearer Gilbert “Gibo” Teodoro Jr. sa darating na May 2010 elections.
Sinabi ni Laguna Governor Teresita “Ningning” Lazaro na mayorya ng local officials at mga residente ng kanilang lalawigan ay suportado ang kandidatura ni Teodoro sa pagka-pangulo ng bansa.
Ayon kay Lazaro, si Teodoro lamang ang may malinaw na plataporma na naglalayon ng modernisasyon ng edukasyon, pagpapaunlad sa kabuhayan ng mga Filipino at pagsusulong ng reporma sa health care system.
Aniya, dahil sa kwalipikasyong ito ni Teodoro ay nararapat lamang suportahan ito upang maging susunod na lider ng bansa.
Samantala, apat na malalaking non-government organizations sa San Jose del Monte, Bulacan ang nagpahayag din ng suporta sa kandidatura ni Teodoro at tutulong sila sa kampanya nito.
Ito ay ang “Aking Dangal at Kalinga Inc.”, SS-ABR, “DMTK Lingap ng Kababaihan” at “Buhay San Joseno” na may kabuuang miyembro na 50,000.(Butch Quejada)