MANILA, Philippines - Simula pa lamang nitong Disyembre 21, 2009 na unang araw ng pagbabantay ng Department of Health hanggang kahapon ng umaga, umabot na sa kabuuang 55 ang bilang ng tao na naitalang nasugatan sa rebentador at ligaw na bala.
Sinabi kahapon ni Dr. Eric Tayag, director ng DOH-National Epidemiology Center, sa nasabing bilang, pinakamataas ang naitala ng Metro Manila, sumunod ang Western Visayas, ikatlo ang Central Luzon at Eastern Visayas, habang isa lamang sa Bicol at isa sa Ilocos Region.
Nagmula naman sa Iloilo ang biktima ng ligaw na bala maliban pa sa hindi naitala ng DOH mula sa Laguna at Central Luzon.
Kalahati sa mga nabiktima ay hindi naman gumamit ng paputok kungdi nahagisan lamang, siyam ang tinamaan sa mata, ang iba na gumamit ng paputok ay sa kamay nasugatan na pawang dahil sa piccolo, triangle at kwitis.
Pinayuhan din ni Tayag ang sinumang masusugatan o mapuputukan na huwag gumamit ng lotion, mantikilya, toothpaste at iba pang kauri nito dahil lalo lamang iinit at hahapdi ang kanilang sugat. (Ludy Bermudo)