MANILA, Philippines - Patuloy ang search operations ng pinagsanib na elemento ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy (PN) sa 23 pang nawawalang katao na lulan ng lumubog na ferry boat matapos ang bang gaan ng dalawang barko sa karagatan ng Limbones Island, Cavite kamakalawa.
Base sa report ng National Disaster Coordinating Council (NDCC), hindi inalintana ng search and rescue teams ang kapaskuhan sa pagbabakasakaling may maililigtas pa ng buhay sa mga nawawalang katao.
Sa tala ng NDCC, apat na katao ang nasawi sa trahedya habang nasa 46 naman ang nailigtas mula sa lumubog na ferry M/V Cathalyn B na nakabanggaan ng isang barkong pangisda F/V Natalia.
Kabilang sa mga nasawi si Beverly Cabinillo, 34 anyos; Relly Morales, 71 at dalawang iba pa. Narekober ang apat na napadpad sa Manila Bay.
Ang M/B Cathalyn na may 14 tripulante at 59 pasahero ay patungong Lubang Island, Occidental Mindoro nang mangyari ang malagim na trahedya na nataon pa sa mismong bisperas ng pasko. Ang barko ay may kapasidad na 126 katao.
Nangangamba naman ang mga survivors na baka naipit ang mga nawawala pang biktima sa lumubog na barko. Nasa lalim na 220 talampakan ang kinalubugan ng M/V Catalyn. (Joy Cantos)