MANILA, Philippines - Isusulong ni Lakas-Kampi-CMD standard bearer Gilbert Teodoro Jr. ang pagkakaloob ng resources at training facilities sa mga barangay health workers na tinagurian niyang ‘front-lines’ ng medical program ng pamahalaan.
Ayon kay Gibo, dapat ay lalong palawakin pa ang health program ng gobyerno sa pinaka-liblib na lugar sa bansa upang mabigyang pansin ang kalusugan ng mga nasa kanayunan.
Sinabi ni Teodoro sa may 3,000 community workers sa Minglanilla Sports Center sa Cebu City na ang mga barangay health workers ay malaki ang ginagampanang papel sa gobyerno sa pagbibigay ng libreng tulong medical sa mga mahihirap na residente lalo sa kanayunan.
Dahil dito, nais ni Gibo na magkaroon ng mas malawak na kasanayan ang mga health workers para magampanang mabuti ang kanilang trabaho kasabay ang panawagan para sa karagdagang development funds gayundin ang pagbibigay ng insentibo sa mga health workers.
“We will look into the possibility of giving them more cash and other material benefits. They deserve such reward for their exemplary service to the public,”wika pa ni Teodoro na 1989 Bar topnotcher at Harvard-trained lawyer.
Nanawagan din si Teodoro sa mga kongresista na maglaaan ng kanilang pork barrel fund para pondohan ang mga health programs gayundin ang para sa training mga community health workers at para sa modernong health facilities. (Rudy Andal)