MANILA, Philippines - Hiniling kahapon ng negosyante at pilantropong si Mario Batacan Crespo, na mas lalong kilala bilang Mark “MJ” Jimenez sa Commission on Elections na baligtarin ang resolusyon nitong nagbabasura sa kanyang kandidatura sa pagka-presidente sa darating na 2010 elections dahil ang nasabing desisyon ay walang basehan, iligal, kontra-mahirap at kontra-mamamayan.
Sa inihain niyang motion for reconsideration, iginiit ni Jimenez na pinagkaitan ng komisyon ang mga botante ng kalayaang makapamili ng mga kandidatong nais nilang magsilbi sa bayan.
Aniya, nabigo ang Comelec na gampanan ang constitutional duty nito nang ibasura ang kanyang kandidatura nang walang sapat na basehan.
Iginiit pa ni MJ na hindi siya “nuisance candidate” dahil dati na siyang tumakbo at nanalo bilang kongresista sa Maynila at nakapagpasa pa ng maraming batas kabilang ang Anti-Money Laundering Act.
Batay sa kanyang Statement of Assets and Liabilities, isa si MJ sa mga pinakamayamang miyembro ng Kongreso. (Doris Franche)