MANILA, Philippines - Nangako ang Lakas-Kampi-CMD allies na aabot sa 10.8 milyong boto ang maide-deliver ng mga kaalyado ng partido kay administration presidential candidate Gilbert “Gibo” Teodoro Jr.
Ayon kay Zambales Rep. Mitos Magsaysay, tagapag salita ni Gibo, 70 percent ng electable local officials na tumatakbo sa ilalim ng Lakas-Kampi-CMD ang nangakong magkakaloob ng 10.8 milyong boto kay Gibo.
“Sa tulong ng aming mga local na lider, mabibigyan namin si Secretary Teodoro ng 20 hanggang 30 percent ng tinatayang 36 milyong botante o 80 percent ng 45 milyon na opisyal na bilang ng mga botante,” ani Magsaysay.
Sang-ayon kay Magsaysay, karamihan sa mga local na opisyal ay ginustong tumakbo sa ilalim ng partidong Lakas dahil naniniwala sila na tanging si Gibo ang presidential candidate na nag-alok ng pinakamagandang platform of governance.
Nangako si Gibo ng modernisasyon sa sistema ng edukasyon sa bansa, iangat ang entrepreneurial skills ng mga Pinoy, lilikha ng kumprehensibong medical care system upang ang pinakamahirap na mamamayan ay maaring magpagamot sa mataas na uri na medical services.
“Ang labanan para sa pangulo ay mapapanalunan sa local at grassroots levels. Malaki ang aming paniniwala na mananalo si Secretary Teodoro sapagkat siya ang pinakamagaling na kandidato. Maliban dito ang aming partido ang may pinakamalawak at pinakamatatag na organisasyon sa mga partidong political,” pagwawakas ni Magsaysay.
Sinabi rin ni Magsaysay na nasisiguro nila na aangat ng husto ang rating ni Gibo sa survey sa sandaling malaman ng mga botante ang kanyang programa at ang kanyang integridad sa serbisyo ay hindi matatawaran. Si Teodoro ay larawan ng bagong henerasyon ng high-achieving Filipino leader. (Butch Quejada)