No rally sa Ampatuan trial
MANILA, Philippines - Ipatutupad ng Philippine National Police ang “No rally zone” sa buong bisinidad ng Camp Crame laban sa banta ng kilos protesta sa paglilitis sa kasong multiple murder laban kay Datu Unsay Maguindanao Mayor Datu Unsay Andal Ampatuan Jr., sa Enero 5.
Iginiit ni PNP Spokesperson C/Supt. Leonardo Espina na hindi papayagan ang anumang grupo, maging ang grupo ng mga mamahayag na makapagrally saan mang bahagi ng Camp Crame. Nakatanggap ng impormasyon ang PNP na maraming grupo na anti at pro Ampatuan ang nais na magsagawa ng rally sa naturang araw ng pagdinig ng kasong multiple murder laban kay Ampatuan Jr.
Makikipag-ugnayan ang PNP sa PNP Press Corps sa darating na Disyembre 28 para sa ilalatag na regulasyon sa coverage ng naturang pagdinig upang maiwasan ang anumang kaguluhan habang ginagawa ang pagdinig sa Police Non-Commissioned Officers Hall.
Bukod kay Andal Jr., kabilang pa sa maimpluwensyang angkan ng mga Ampatuan na sinasabing nagplano at sangkot sa massacre noong Nobyembre 23 ay sina Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr., ARMM Governor Zaldy Ampatuan, Maguindanao Vice Governor Sajid Akmad Ampatuan, Shariff Aguak Mayor Anwar Ampatuan at iba pa kung saan hinarang ang convoy ng misis ni Buluan Vice Mayor Esmael “Toto” Mangudadatu na si Genalyn habang patugo sa Shariff Aguak para maghain ng certificate of candidacy at kasama ang 32 mediamen, 16 miyembro ng pamilya Mangudadatu at mga supporters nito.
Ikinakasa na rin ng PNP ang regulasyon sa pagpapatupad ng seguridad sa darating na Bagong Taon.
- Latest
- Trending