Publiko binalaan laban sa 'scrap' na karne
MANILA, Philippines - Mahigpit na nagbabala ang Department of Trade and Industry sa publiko laban sa pagbili at pagkain ng mga “scrap” o tingi-tingi na karne na nagkalat ngayong Kapaskuhan sa iba’t ibang palengke dahil sa posibleng panganib nito sa kalusugan.
Sinabi ni DTI Undersecretary Zenaida Maglaya na walang katiyakan kung ligtas kainin ang scrap na mga karne at hindi dapat ipagsapalaran ng publiko ang kalusugan kumpara sa ikatitipid nila sa pera.
Posible umano na kontaminado ang mga “scrap” na hamon at iba pang uri ng karne na ibinibenta nang mas mura at maaari ring malapit nang mag-expire.
Naiintindihan naman ng DTI ang pagtitipid ng mas nakakaraming naghihirap na pamilya dahil sa pagtaas ng presyo ng mga paninda sa supermarket ngunit ipinagmalaki ni Maglaya na nasa limitasyon pa rin ang mga presyo ng itinakdang “Suggested Retail Price.”
Bumaba naman umano ang presyo ng ibang produktong pam-Pasko tulad ng keso-de-bola na nagtapyas ng 7% sa presyo at maging ang mga produktong pasta. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending