MANILA, Philippines - Posibleng umabot pa sa 62 katao ang kabuuang biktima ng malagim na massacre noong Nob yembre 23 sa Ampatuan, Maguindanao.
Ito ang inihayag kahapon ni Maguindanao Police Provincial Office Officer in Charge Sr. Supt. Alex Linesses matapos na lumantad kahapon at mag-hysteria sa massacre site si Vivian Miguellas, Bureau Chief ng Midland Tribune News na nakabase sa Cotabato City.
Si Miguellas ay dumulog sa pulisya at nagpasama nitong Lunes sa massacre site na kinatagpuan sa 57 biktima kabilang ang 32 mediamen sa Brgy. Salman, Ampatuan.
Hinahanap ni Miguellas ang kaibigang si Reynaldo “Bebong “Mumay, correspondent ng Midland Tribune News at kasama nitong si Juvy Legalta na kabilang umano sa magko-cover sana ng pagsusumite ng COC ng pamilya Mangudadatu nang mangyari ang trahedya .
Sina Mumay at Legalta ay hindi kabilang sa 57 kataong narekober sa crime scene na positibo ng kinilala ng kanilang mga pamilya.
Sa pahayag ni Miguellas sa mga awtoridad nakatawag pa umano si Mumay sa kaniya kung saan sinabi nito na medyo nahuli sila ng konti sa convoy ng mga Mangudadatu dahil nasiraan sila ng behikulo.
Ang tatlo pang nawawalang biktima na hina hanap rin ng kanilang mga pamilya ay mga sibilyan.
Bunga nito, ayon kay Linesses, ikinokonsidera nilang maghukay muli sa massacre site upang hanapin ang lima pang nawawalang mga biktima. (Joy Cantos)